-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na ang pagbabalik ng klase sa Agosto ay hindi nangangahulugan na kinakailangang magtungo din sa eskwelahan araw-araw ang mga guro at estudyante.

Tugon ito ng DepEd kasunod pa rin ng epekto ng coronavirus pandemic sa pagbabalik sa paaralan ng mga mag-aaral at mga guro.

Ayon kay DepEd Usec. Annalyn Sevilla, gumagawa na raw ng diskarte ang kagawaran para ipagsama ang distance learning sa formal education scheme mula nang ipatupad ang lockdown noong Marso.

Paliwanag ni Sevilla, hindi pa rin papayagan ang nakagawiang sistema ng pagkaklase, partikular ang face-to-face interaction, lalo pa’t wala pang nagagawang bakuna laban sa COVID-19.

Hindi rin aniya limitado lamang ang distance learning sa mga online platforms dahil maaari ring papuntahin ang mga guro sa bahay ng kanilang mga estudyante paminsan-minsan.

Samantala, ang mga guro namang may edad 60-anyos pataas na madaling dapuan ng COVID-19 ay kinakailangang magtungo sa paaralan upang ayusin ang modules ng distance learning.