CENTRAL MINDANAO-Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Provincial Inter Agency Task Force sa pangunguna ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa gaganaping Kalivungan Festival ng probinsya ng Cotabato.
Sa isinagawang pagpupulong ngayong araw na ginanap sa Provincial Capitol rooftop kasama ang ilang department heads at government agencies na katuwang ng pamahalaang panlalawigan, mahigpit na ipapatupad ang No Vaccine No Participation policy sa lahat ng mga kalahok sa mga aktibidad na inihanda ng lalawigan.
Ayon kay Integrated Provincial Health Office Head Dr. Eva C. Rabaya na papayagang magsagawa ng mga aktibidad sa mga munisipyo na alert level II sa kondisyon na ang mga ito ay susunod sa 50% indoor venue capacity at 70% outdoor venue capacity.
Samantala, ang mga aktibidad na isasagawa sa munisipyo na alert level I katulad ng Kidapawan City ay papayagan ang 100% venue capacity sa kondisyon na susunod pa rin sa mga health and safety protocols na ipapatupad ng PIATF.
Panawagan naman ni Governor Mendoza sa lahat ng mga lalahok at makikiisa sa anibersaryo ng probinsya na magpabakuna at panatilihin ang pagsusuot ng face mask upang mapangalagaan ang mga sarili sa mga nakakahawang sakit tulad ng COVID-19.