BAGUIO CITY – Lubos na kasiyahan ang nadarama ngayon ni 2019 SEA Games gold medalist Roger Casugay matapos iparating sa kanya na magagawaran siya ng Pierre de Coubertin Act of Fair Play Award mula sa International Olympic Committee (IOC) dahil sa nagawa niyang kabayanihan sa nakaraang SEA Games na ginanap dito sa bansa noong nakaraang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio sa 26-anyos na champion surfer at tubo ng La Union, sinabi niyang ipinoproseso na ngayon ng Philippine Sports Commission (PSC) ang kanyang mga dokumento para sa kanyang pagbiyahe patungo ng bansang Monaco sa October 27.
Aniya, ito ay para kanyang personal na tatanggapin ang nasabing pagkilala.
Maaalalang inihayag ng IOC na igagawad ang Pierre de Coubertin Act of Fair Play Award kay Casugay dahil sa ipinamalas nitong sportsmanship nang mas pinili nitong iligtas ang kalabang surfer mula Indonesia sa championship rounds ng mens longboard sa surfing event ng 2019 SEA Games.
Umaasa din ang surfing instructor na gumanda ang sitwasyon sa buong mundo sa mga susunod na buwan para makabiyahe ito patungo ng Monaco at mabigyan ng pagkakataon na makibahagi sa mga surfing competitions sa ibang bansa.
Ayon sa PSC, si Casugay ang kauna-unahang atletang Pilipino na makakatanggap sa Pierre de Coubertin Act of Fair Play Award ng IOC.