LEGAZPI CITY – Aabot na sa 3km ang haba ng pila ng mga sasakyan papunta sa Matnog port sa Sorsogon kasabay ng dagsa ng mga pasahero ngayong Holy Week.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes, lampas doble na ang dami ng mga pasahero na dumadaan sa pantalan pauwi sa kanilang mga lalawigan na umaabot ng 4,500 hanggang 5,000 kada araw.
Kasabay na rin nito ang nasa mahigit sa 1,000 mga sasakyan na sineserbisyohan din ng pantalan.
Dahil sa dagsa ng mga pasahero nagrequest na ang lokal na gobyerno sa mga shipping companies ng dagdag na tatlong roro vessels upang maiwasan ang paghaba pa ng pila sa pantalan.
Pinayohan naman ng opisyal ang ibang mga pasahero na kung wala namang importante pupuntahan ay huwag na lang dumaan sa Matnog port upang hindi na dumagdag pa sa pila ng mga pasahero.
Samantala, tiniyak naman ni Galindes ang mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa pantalan kung saan may mga nakabantay ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police at gayundin ang ilang barangay officials.