LEGAZPI CITY – Humiling ng pang-unawa ang pamunuan ng pantalan ng Matnog, Sorsogon matapos na umabot sa nasa apat na kilometro ang pila ng mga natenggang sasakyan dahil sa sama ng panahon na naranasan nitong weekend.
Paliwanag ni Matnog Port Manager Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, masungit ang lagay ng panahon at malalaki rin ang alon kaya’t dalawang roro vessel ang nasiraan ng vessel ramp.
Tatlong fastcraft din ang nasiraan ng adjustable ramp kaya’t hindi makapagkarga ng mga sasakyan.
Nabatid na umabot pa sa 550 sasakyan ang naantala ang biyahe subalit sa pinakahuling tala dakong alas-6:00 kaninang umaga, nasa 351 na lamang at patuloy na nababawasan sa mga sumusunod na oras.
Dagdag pa aniya sa bigat ng volume ng mga sasakyan na dumarating sa pantalan ang may kargang commodities para sa holiday season na biyaheng Visayas at Mindanao gayundin ang influx ng mga uuwi sa probinsiya matapos ang pagluluwag ng restrictions.
Mula sa daily average na 200 light vehicles, pumalo na ito ngayon sa higit 300 mula Disyembre 1.
Samantala, tiniyak naman ni Galindes na unti-unti ring mababawasan ang pila sakaling madagdagan ang shipcalls at mapabilis ang turnaround time kung maayos na ang dalawang nasirang barko.