LEGAZPI CITY – Umapela ang Office of Civil Defense (OCD) Bicol sa PNP at ilan pang nagbabantay sa daloy ng trapiko mula sa Maynila patungong Sorsogon na pigilan na muna ang pagpasok ng mga ito.
Nabatid na humahaba na sa kasalukuyan ang pila ng mga sasakyan sa labas ng Matnog port matapos na kanselahin ang biyahe dahil sa bagyong Ramon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay OCD-Bicol Director Claudio Yucot, mahihirapan umano sa pag-accomodate ang lokal na pamahalaan sakaling patuloy pang bumigat ang volume ng mga stranded na sasakyan at pasahero.
Sa hiwalay na panayam kay CPO Nelson Jazo, substation commander ng Coast Guard Substation (CGS) Matnog, umabot na aniya sa isang kilometro ang pila ng mga rolling cargoes na naantala ang biyahe dahil sa bagyo mula sa maliliit na mga kotse hanggang sa malalaking trucks.
Higit 1,200 na rin ang stranded passengers na posibleng madagdagan pa sa mga susunod na oras.
Ikinubli naman ang mga barkong naantala ang biyahe sa may Cataingan, Masbate lalo na’t delikado ito sa harap ng pantalan na hinahampas ngayon ng malalaking alon at malakas na hangin.
Ang Matnog Port ay dinadaanan ng mga sasakyan at biyahero na mula at patungo sa Visayas at Mindanao.