Naging kakaiba ngayon ang taunang Hajj piligrimage sa Saudi Arabia.
Ito ay matapos na mayroon lamang 1,000 mga Muslim worshipers ang pinayagan na pumasok sa “safety bubbles” kumpara sa mga nagdaang taon na aabot ito ng dalawang milyon.
Mahigpit din nilang inoobersabahan ang social distancing at ilang health protocols para hindi kumalat pa ang coronavirus.
May mga inilagay na marka sa lugar kung saan tatayo ang mga pilgrims para matiyak na nasusunod ang physical distancing.
Naglagay naman sila ng malalaking TV screens sa maraming lugar sa Mecca para doon na manood ang mga hindi nakadalong pilgrims.
Tanging ang may edad 20-50-anyos lamang na mga pilgrims ang pinayagan na makadalo sa Mecca.
Naglagay na rin sila ng separators para sa mga pilgrims sa Grand Mosque at bawat pilgrims ay dumadaan sa mahigpit na health screening process.
Sinabi ni Assistant Deputy Minister for Preventative Health ng Saudi Ministry of Health, Dr. Abdullah Assiri, ang nasabing hakbang ay para na rin sa kaligtasan ng lahat.