NAGA CITY – Nanatiling hepe pa rin ng Pili Municipal Police Station si Lt. Col. Ryan Atanacio.
Ito’y kaugnay sa umugong na balitang na-relieve na ito sa pwesto dahil sa nangyaring komosyon sa Partido Rice Mill sa pagitan ni dating Rep. Rolando Andaya at isang driver na nakagitgitan nito sa daan sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lt Col Louie Manuel De la Peña, director ng Police Community Affairs and Development (PCAD)-Camarines Sur Police Provincial Office, pinabulaanan nito ang nasabing alegasyon at sinabing wala namang magandang rason para tanggalin bilang hepe si Atanacio.
Aniya, ginawa lamang ng opisyal at ng mga personahe ng kapulisan ang nararapat na gawin sa nasabing kaguluhan.
Sa katunayan, pinuri pa ng direktor ang ginawa ng himpilan na mapanatili ang maximum tolerance.
Mababatid na, nagkaayos na ang driver at si Andaya, ngunit sinampahan pa rin ng kasong “unjust vexation” ang dating kongresista.