-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Isang malaking himala na para sa Pilipinang nakatira sa Turkey ang makababa mula sa ika-anim na palapag ng kanilang bahay habang malakas ang pagyanig ng lupa.

Ito’y kaugnay ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa bansang Turkey, kung saan base sa pinakahuling datos umabot na sa 3,700 ang binawian ng buhay at libo-libong mga kabahayan at gusali na ang naitalang gumuho.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Madelyn Paran, ang Pinay na survivor sa malakas na lindol, sa tatlong taon nyang paninirahan sa Turkey at maging sa Pilipinas, ay ngayon lamang sya nakaranas ng sobrang lakas na lindol.

Kwento nito, kitang-kita nya kung paanong gumalaw ang mga gamit nila sa bahay, at onti-onting bumitak ang kanilang dingding.

Ani, Paran, nagyakapan na lamang sila ng kanyang asawa, upang isahang mahanap sakaling tuluyan nang gumuho ang kanilang bahay.

Dagdag pa ng Pinay, hindi na nya halos matandaan kung paanong ligtas na nakalabas ng bahay, lalo pa’t hirap din umano syang maglakad dahil galing pa lamang sya sa pagpapa-opera.

Samantala, lubos na ikinalungkot ni Paran na kahit halos dalawang buwan pa lamang mula ng lumipat sila sa kanilang tahanan ay hindi na sila muling makababalik pa rito dahil sa dami ng bitak at lubos na itong delikado.