-- Advertisements --

Tuloy pa rin daw ang trabaho at pagsisikap ng Department of Health (DOH) para ma-kontrol ang sitwasyon ng COVID-19 sa Pilipinas, sa kabila ng mababang ranking ng estado mula sa mga bansang nakikipaglaban ngayon sa coronavirus pandemic.

The Lancet report Sep 14
IMAGE | The Lancet Journal

Sa statement ng COVID-19 Committee ng The Lancet, na pinaka-kilalang medical journal, nakasaad na nasa ika-66 na pwesto ang Pilipinas mula sa 91 bansa na kanilang pinag-aralan noong Agosto.

Ang resulta ng naturang research ay ibinase sa bilang ng mga bagong kaso sa kada isang milyong populasyon kada araw. Pati na ang mortality rates, mga nagagawang tests at effective reproductive rates ng mga bansa sa COVID-19 sa naturang buwan.

Ayon sa pag-aaral, 19 na bansa ang matagumpay nang napabagal ang pagkalat ng sakit. Ang 10 rito, mula sa Asia-Pacific region kung saan pasok ang Pilipinas.

Karamihan naman sa mga bansang may “very high transmission” ng COVID-19 noong nakaraang buwan ay mula sa The Americas

Sinabi ng The Lancet na kaya namang ma-kontrol ang COVID-19 sa pamamagitan ng non-pharmaceutical interventions tulad ng epektibong health services sa komunidad, at minimum health standards.

Ito rin ang sinabi ni Vice President Leni Robredo sa kanyang sagot sa huling banat ng Malacañang laban sa kanyang mga rekomendasyon sa COVID-19 response.

Ayon kay VP Leni, kayang kontrolin ang sitwasyon ng health crisis kahit wala pang bakuna dahil nagawa naman ito ng ibang bansa.

“Possible naman ma suppress kahit wala pang vaccine. If 19 countries were able to do it, no reason why we can’t. Kaya natin ‘to.”

Sa report ng The Lancet, sinabi ng medical experts at researchers na isa sa mga dahilan ng palpak na pandemic response ay yung tinatawag na medical populism, o istilo ng political leadership na minamaliit ang epekto ng pandemya at nagiging kampante na lang sa madaliang solusyon.

Ayon kay DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire, hindi naman na bago ang mga ganitong rankings ng Pilipinas. Ipagpapatuloy na lang daw nila ang kanilang mandato ngayong pandemya para mapaigting pa ang responde laban sa COVID-19.

“Ang sa amin, magta-trabaho lang kami ng tuloy-tuloy. Kami ay sama-samang nagta-trabaho, we are doing a whole of nation and whole of society approach to this response that we have for COVID-19.”

“Kung ano man ang maging komento, tayo ay patuloy pa rin na magta-trabaho para labanan itong sakit na ito at alagaan ang buong populasyon.”

Sa huling tala ng Health department, bumuti ang mga numero ng bansa na may kinalaman sa COVID-19. Tulad ng case at mortality doubling time, critical care utilization rate at reproduction number.

Ang Malacañang tiwala rin na natutugunan ng administrasyon ang kinakailangang responde sa COVID-19 pandemic.