Lumagda ang Pilipinas at Cambodia sa walong kasunduan upang palakasin ang ugnayan sa kalakalan, agrikultura, edukasyon, turismo, at teknolohiya, kasabay ng bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Punong Ministro Hun Manet sa Malacañang.
Kabilang sa mga kasunduan ang eliminasyon ng dobleng pagbubuwis upang mapagaan ang pasanin sa mga mamumuhunan, pati na rin ang pagpapalakas ng kompetisyon sa negosyo at pagpapalitan ng kaalaman sa investment promotion.
Nilagdaan din ang memorandum of understanding (MOU) sa Agrikultura at Agribusiness upang mapabuti ang mga plano sa agrikultura at palakasin ang international trade sa sektor. Ayon kay Marcos, mahalagang katuwang ang Cambodia sa siguridad sa pagkain.
Pinalakas din ang Technical Vocational Education and Training (TVET), turismo (2024-2028), at digital transformation sa pamahalaan, na magpapadali sa pagpapalitan ng kaalaman at teknolohiya.
Bukod dito, pinirmahan din ang memorandum of understanding (MOU) sa Proteksyon ng Yamang Kultural laban sa pagnanakaw at iligal na pagbebenta.
Ipinahayag ni Marcos ang kumpiyansa na magbubunga ang mga kasunduang ito ng mas matibay na relasyon at mas maraming oportunidad para sa parehong bansa.