Pumasok sa kasunduan ang Pilipinas at South Korea na nagbibigay-daan para sa pagpasok at pagbibiyahe ng mas maraming mga pasahero mula sa dalawang bansa.
Una rito ay nagsagawa ng diyalogo ang dalawang bansa para pag-usapan ito.
Naging matagumpay naman ang naturang pag-uusap, daan upang tuluyang pirmahan ang kasunduan.
Sa ilalim nito, nagkasundo ang dalawa na lawakan pa ang kasalukuyang 20,000 na weekly seat mula Manila patungong South Korea at vice versa, at gawin itong 30,000 weekly.
Sa ilalim din ng bagong kasunduan, hindi na nagpapataw ang dalawang bansa ng mga limit sa mga flights mula Manila patungong Korea. Maging ang mga flights mula sa labas ng Manila patngo sa iba pang bahagi ng SoKor ay mananatili ring bukas at hindi lilimitahan.
Inaasahan namang mararanasan ang impact ng naturang kasunduan oras na samantalahin na ito ng mga airlines.
Ang SoKor ay isa sa mga pangunahing tourism market ng Pilipinas bago pumasok ang COVID-19 pandemic.
Ngayong post-pandemic, patuloy pa rin ang pagdami ng mga South Korean tourists na pumupunta sa Pilipinas kung saan hanggang noong May 2024 ay nakapagtala na ang Department of Tourism (DOT) ng 682,362.