Nagbabala ang Department of Health (DOH) na maaaring maging dominant na ang Omicron variant ng COVID-19 sa bansa sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo.
Sa kasalukuyan, ang Delta variant pa ang nananatiling nangingibabaw sa Pilipinas.
Gayunpaman, ipinapalagay ni Health spokesperson Usec. Maria Rosario Vergerie na nasa komunidad na ang Omicron variant.
Nauna nang ibinunyag ni Vergerie na nakapagtala na ang bansa ng 11 import cases ng Omicron variant kung saan siyam ay mga returning overseas Filipino workers; dalawa ang foreign nationals habang tatlo ang local.
Muli na namang inuri ang Pilipinas bilang “high risk” para sa COVID-19 kasunod ng matinding pagtaas ng kaso nitong mga nakaraang araw.
Sinabi ni Vergeire na ang pagtaas ng positivity rate ay nakita sa lahat ng rehiyon ng bansa.
Aniya, nasa high risk classification na ang bansa mula sa low risk case class noong nakaraang linggo, na nagpapakita ng positibong dalawang linggong growth rate sa 222% at isang moderate risk average daily attack rate sa 1.07 cases para sa bawat 100,000 indibidwal.
Samantala, ang national healthcare utilization rate ay nasa “mababang panganib.”
Mula noong Enero 1, 2022, ang bansa ay may 17.98% na bed utilization at 21.71% na ICU utilization.
“Based on observations ngayon ang assumption natin, nasa community na because we have seen the sudden increase in cases. But for us to declare if there is local transmission kailangan pa rin ng confirmatory test,” ani Vergeire.