Itinutulak ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” R. Luistro ang pagbalik ng Pilipinas bilang kasapi ng International Criminal Court (ICC).
Ginawa ni Luistro ang pahayag matapos na manawalan kamakailan ang European Union (EU) na pag-isipan ng bansa ang ginawang pag-alis nito sa ICC noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Luistro ang pagbabalik sa ICC ng Pilipinas ay sang-ayon sa hustisya at pagpapanatili ng karapatang pantao at makataong dignidad.
“We are a nation of laws, not a nation of men. Rejoining the ICC would reaffirm the country’s commitment to international norms and strengthen its legal framework in holding perpetrators of grave crimes accountable–that, regardless of their status, economic standing, or power, no one is above the law,” pahayag ni Luistro.
Ayon sa kongresista ang ginawang pagkalas ng Pilipinas sa ICC noong 2019 ay isang nakalulungkot na desisyon.
Sinabi ng kongresista isang negatibong mensahe ang ipinarating nito sa international community dahil pinapakita nito na ayaw natin na itaguyod ang pangangalaga at pagsusulong ng karapatang pantao.
Ang pagbalik umano ng Pilipinas sa ICC ay isang pagkilala ng bansa sa pagkakaroon ng hustisya at pagpapanagot sa mga may sala.
“There must be a court of last resort – which will complement domestic courts – that will investigate and, where warranted, try individuals charged with the gravest crimes of concern to the international community, namely: genocide; war crimes; crimes against humanity; and the crime of aggression,” dagdag pa ni Luistro.