-- Advertisements --

Nanawagan si Rizalito David sa mga kapwa niya vice presidential candidates at maging sa mga kandidato sa pagkapangulo na mag-usap na para pagkasunduan ang pagkakaroon ng tinatawag na single tandem laban kina dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Ito’y matapos na maungkat sa ambush interview kay David sa PiliPinas Debates 2022 ng Commission on Elections ang tungkol sa patuloy na pangunguna ni Duterte-Carpio sa mga survey kahit hindi naman ito dumadalo sa mga debate gaya nila.

Ayon sa nasabing vice presidential candidate ng Democratic Party of the Philippines, parang naglolokohan na lang sila sa ngayon dahil lumalabas na ang pinaglalabanan na lamang nila ay kung ilang porsiyento ng suporta ng mga botante ang hindi pa nakukuha ni Duterte-Carpio.

Pangit lamang aniya dahil nagpapagalingan sila sa debate pero ang kailangan nilang talunin ay hindi naman dumadalo at baka pa nga raw ay pinagtatawanan pa sila.

Sinabi ni David na handa siyang mag-withdraw, bagay na kung puwede ay gawin din ng mga kapwa niya kandidato.

Nang matanong ito kung sino ang dapat nilang suportahan, sinabi niya na ang nakikita niyang may kakayahan para matalo si Duterte-Carpio ay si Senate President Vicente Sotto III, at si Vice President Leni Robredo naman laban kay Marcos.