Tiniyak ni National Security Adviser at NTF West Philippine Sea chairman Sec. Hermogenes Esperon na kailanman hindi “igi-give-up” ng Pilipinas ang claim nito sa West Philippine Sea sa kabila ng pagiging agresibo ng China at ng iba pang bansa.
Ayon kay Esperon taliwas sa paniniwala ng karamihan, hindi umano ang China ang may pinakamaraming claims sa disputed islands, bagkus may iba pang mga bansa.
Gaya ng Vietnam na mayruong 21 islands and reefs na nasa ilalim ng kanilang control sa West Philippine Sea kung saan 14 dito ay nasa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas; Malaysia may limang detachments, Taiwan isa habang ang China ay may pitong detachment karamihan dito ay mga artificial islands na kanilang kinonvert bilang military bases.
Habang ang Pilipinas ay mayroong siyam na detachments kabilang ang ang Pag-asa Island na siyang sentro ng Kalayaan Island group.
Binigyang-diin ni Esperon na ang pag-occupy ng ilang mga bansa sa nasabing lugar ay itinuturing ng Pilipinas na illegal.
Aniya, kailanman hindi bibitawan ng Pilipinas ang EEZ na ibinigay ng UN Convention of the Law of the Sea kaya may sovereign rights ang bansa dito.
Aminado naman si Esperon na mahihirapan na ang Pilipinas na kontrolin ang West Philipine Sea lalo na sa mga lugar na inokupahan na ng China dahil posibleng magresulta ito sa isang madugong giyera.
Hinimok naman ni Esperon ang mga mangingisda na magtungo sa Bajo de Masinloc kung saan nanouon ang presensiya ng mga barko ng Coast Guard para sila ay protektahan mula sa pangha-harass ng mga banyagang barko.
Aniya, apat na barko ng PCG, isang PCG aircraft at limang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatice Resources ang ang nagsasagawa ng maritime patrols sa West Philippine Sea, kasama ang mga high speed tactical watercraft at rubberboats ng PNP Maritime Group.
Sa kabilang dako, kinumpirma ni Esperon mula sa 190 Chinese maritime militia vessels, nasa siyam na barko ng China ang nananatili ngayon sa Julian Felipe Reef kung saan kanila pang bina-validate kung ito ay mga Chinese fishermen o Chinese maritime militia.
Aniya, malaki ang impact sa naging pahayag ni Sec Delfin Lorenzana at hakbang ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na maghain ng diplomatic protest para umalis sa nasabing lugar ang mga Chinese vessels.
Hindi na rin nagpapatinag ang Pilipinas, tsina- challenge na rin ng mga ito ang mga foreign vessels na pumapasok sa teritoryo ng bansa.