Kasabay ng pagdiriwang ng World Press Freedom Day ngayong araw, inilabas ng international non-government organization na Reporters Without Borders ang ranking ng World Press Freedom Index ngayong 2024.
Mula sa kabuoang 180 na bansa at teritoryong sinuri ng naturang organisasyon, pumasok lamang sa ika-134 na puwesto ang Pilipinas sa 2024 World Press Freedom Index na layong ikumpara ang level of freedom na natatamasa ng mga mamamahayag at media workers sa iba’t ibang bansa sa mundo.
Mas mababa ito kumpara sa ika-132 na ranking ng bansa noong nakaraang taon. Isinalig ang ranking na ito sa iba’t ibang indicator gaya ng impluwensiya ng pulitika, ekonomiya, at seguridad para sa mga mamamahayag.
Nakakuha lamang ngayong taon ng 43.36 na global score ang bansa sa naturang index, dahilan para maisailalim sa “difficult country for journalists” ang Pilipinas. 100 naman ang pinakamataas na score na maaaring makuha ng mga bansa sa World Press Freedom Index.
Ayon sa ulat, mas kakaunti ang mga pag-atake sa midya simula ng maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa puwesto kumpara noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na minsan ng napabilang sa listahan ng global “press freedom predators” ng naturang organisasyon.
Sa kabila nito, nakababahala pa rin daw ang kalagayan ng media workers sa bansa lalo na’t laganap pa rin ang red-tagging sa mga mamamahayag.
Bukod dito, nababahala rin ang Reporters Without Borders sa pagkakaroon ng impluwensiya sa midya ng mga malalaking pangalan sa pulitika kabilang na ang pagmamay-ari ng mga ito ng mga media company.
Ibinunyag din ng naturang pag-aaral na bumaba ang suporta at respeto sa media autonomy sa buong mundo habang tumaas naman ang pressure at pananakot mula sa gobyerno at ilang pulitiko.
Nanguna naman sa naturang ranking ang bansang Norway matapos itong makakuha ng 91.89 na global score. Ayon sa pagsusuri, namamayani ang independent journalism sa Norway kung saan ligtas magtrabaho ang mga mamamahayag at walang pressure at pananakot mula sa gobyerno at pulitiko.
Sinundan ito ng mga bansang Denmark, Sweden, at Netherlands.
Nasa “very serious” category o pinakamababang puwesto naman ng Press Freedom Index ang mga bansang China, Iran, North Korea, Afghanistan, at Syria.