Gumawa ng panibagong record ang Pilipinas dahil sa dami ng mga taong nagsama-samang nagtanim ng kawayan sa magkaka-ibang lokasyon.
Ito ay sa ilalim ng bamboo-planting activity na inorganisa ng Department of Science and Technology (DOST) at grupong Kawayanihan Circular Economy Movement.
Sa naturang proyekto, nagsama-sama ang kabuuang 2,306 katao upang magtanim ng kawayan sa 19 na lokasyon sa Mindanao at Visayas.
Ayon kay Science and Technology Secretary Renato Solidum Jr., ang naturang programa ay bahagi ng pagnanais ng Pilipinas na mai-angat ang kamalayan ng publiko sa kabutihang dulot ng mga kawayan.
Kinumpirma na rin ng Guinness management ang naturang record kung saan hawak na ng Pilipinas ang Guinness World Record (GWR) sa may pinakamaraming sabay-sabay na nagtanim ng kawayan.
Mismong si GWR adjudicator Sonia Ushiriguchi ang nag-kumpirma sa naturang record.
Muli namang hinikayat ni Sec. Solidum ang publiko na pahalagahan ang mga kawayan dahil sa malaking tulong ang mga ito hindi lamang sa kinakaharap na pagbabago sa klima kungdi maging sa pagpapalago ng ekonomiya sa ilalim ng iba’t-ibang bamboo innovation program.