-- Advertisements --

Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga turistang dadating sa Pilipinas simula sa susunod na buwan ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Sinabi ni DOTr Undersecretary Raul del Rosario, inaasahang makakaakit ng mas maraming turista sa bansa ang mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo.

Dahil dito ay nagtalaga pa aniya ang kagawaran ng karagdagang verification officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Mula nang muling buksan ang mga pinto nito sa mga turista mula sa mga non-visa countries noong nakaraang buwan, ang Pilipinas ay nakakita ng 10-percent increase ng passenger traffic at airports.

Hindi bababa sa 10,600 dayuhan ang dumating sa Pilipinas sa pagitan ng Pebrero 10 at 15.

Sa bilang na ito, 4,579 ang dating Pilipino, habang 5,795 ang dayuhang turista.

Ang karamihan ng mga dayuhang pumapasok sa bansa pagkatapos na mabawasan ang mga paghihigpit sa pandemya ay mula sa United States, Canada, Australia, United Kingdom, at South Korea.