Tiniyak ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na handa na ang Pilipinas na harapin ang Deltacron, isang kombinasyon ng mga nakakahawang Delta at Omicron na variant ng coronavirus.
Inilabas ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje ang pahayag nang tanungin kung handa ang sistema ng kalusugan ng bansa para sa posibleng infection rate sa gitna ng babala ng World Health Organization (WHO).
Ang IHU Mediterranee Infection sa Marseille, gayunpaman ay nagsabi na masyadong maaga pa upang malaman kung ang mga impeksyon sa Deltacron ay magiging “very transmissible” o magdudulot ng malubhang sakit.
Ang hybrid na variant ay naiulat na natuklasan sa isang Cyprus lab noong unang bahagi ng Enero.
Ito ay unang pinaniniwalaan na malamang na resulta ng kontaminasyon sa lab.
Una na ring kinumpirma ng DOH na tinututukan nila ang tinatawag na recombinant o pagsanib ng genes mula sa coronavirus.
Iniulat din ng WHO na na-detect ito sa France, The Netherlands, at Denmark kung saan dalawang magkaibang strain ng virus ang naka-infect sa iisang cell.
Ngunit nilinaw ni WHO Technical Lead for COVID-19 Dr. Maria Van Kerkhove na nananatili namang mababa ang detection nito.
Tiniyak naman ni Health Secretary Francisco Duque III na araw-araw, minu-minuto silang nakikibalita rito para makapaghanda kung saka-sakaling medyo mabigat o seryoso kung mayroon mang ganoong pagtukoy o pagkilala sa klase ng virus.
Hindi pa natutukoy bilang panibagong variant under monitoring, interest, o concern ang recombinant habang patuloy pa itong pinag-aaralan.
Pero giit ng WHO, wala umano sila sa ngayong nakikitang senyales sa pagiging malubha nito.