-- Advertisements --
bataan nuclear power plant

Handa umano ang Pilipinas sa pagkakaroon ng nuclear power plant sa bansa kahit matatagalan bago ito maging operational.

Ayon kay Department of Energy (DoE) Undersecretary Sharon Garin, sa kanyang pagtaya ay aabutin ng 10 taon para sa itatayong nuclear power plant bago ito mapakinabangan.

Aniya kailangan daw kasing regular na pag-usapan ang naturang plano at magkakaroon din ng feasibility study para rito.

Kasunod nito ang pag-develop ng nuclear energy na matibay para masiguro ang kaligtasan ng mga tao.

Maliban sa feasibility studies at site developments, sinabi rin ni Garin kailangan ding isagawa ang acceptability surveys maging ang security measures bago itayo ang isang nuclear power plant at maging operational.

Plano rin umano ng bansa na kumuha ng small modular reactor technology dahil mayroon na raw ang Pilipinas ng modular sites sa ilang lugar sa Mindanao at Palawan.

Kung maalala, huling plinano ng Pilipinas ang pagtatayo ng nuclear program noong 1976 matapos ipag-utos ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr ang pagpapatayo ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).

Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng $2.3 billion pero itinigil ang construction nito matapos ang tatlong taon dahil sa safety concerns.

At sa isyu naman ng pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant, sinabi ni Garin na na ang magagawa daw nila ay ang third party assessment.

Kapag nais daw itong muling buhayin ng bansa ay kailangan daw na siguruhin ng pamahalaan ang kaligtasan nito.

Umaasa naman ang DoE na gagamitin ng mga ito ang 2023 budget para sa third party assessment ng Bataan Nuclear Power Plant.

Noon namang buwan ng Marso, inisyu ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 164 na layong ma-adopt ang nuclear energy sa bansa.

Ipinanukala rin ng DoE sa House of Representatives ang isang measure na lilikha sa Commission on Nuclear Energy.