Wala pang pending order ang Pilipinas para sa mga bakuna laban sa COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Ito ay sa gitna ng patuloy na isinasagawang pagsusuri ng pamahalaan hinggil sa imbentaryo ng naturang bakuna para sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa ngayon kasi ay pinag-aaralan pa ng gobyerno ang supply at demand ng mga bakuna.
Paglilinaw niya, ang mga bakunang nakatakdang dumating sa Pilipinas sa mga susunod na linggo ay donasyon mula sa ibang bansa, tulad na lamang ng Pfizer vaccine na noong Enero pa napag-usapan ngunit ngayon lang matatanggap ng bansa.
Aniya, bukod dito ay wala nang iba pang biniling bakuna kontra sa nasabing virus ang pamahalaan.
Magugunita na una nang nagbabala si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion hinggil sa milyun-milyong mga doses ng bakunang masasayang sa loob ng tatlong buwan kung hindi ito agad na magagamit.