-- Advertisements --

Kabilang ang Pilipinas na komontra sa pagpapaliban ng 2021 Southeast Asian Games na gaganapin sa Vietnam sa darating na Nobyembre.

Sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president at Rep. Abraham “Bambol” Tolentino na siyang dumalo sa virtual meeting kasama ang ilang miyembro ng SEA Games Council na hindi siya sang-ayon sa pagkansela ng torneyo dahil nasa kalagitnaan na ng pag-eensayo ang mga atleta ng bansa.

Hindi aniya patas sa mga atleta na nagsakripisyo na ng kanilang oras para makapag-ensayo sa SEA Games.

Marami aniyang mga torneyo na pinaghahandaan din ang kanilang mga atleta sa susunod na taon gaya ng Asian Games, Asian Indoor and Martial Arts Games at ang Winter Olympics.

Bukod kasi sa Pilipinas ay hindi sang-ayon ang mga National Olympic Committee (NOC) presidents ng mga bansang Cambodia, Brunei, Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand at Timor Leste.

Sinuportahan ng Vietnam at Myanmar ang proposal habang nag-abstain ang Laos.

Naniniwala naman si Tolentino na desidido ang Vietnam na ituloy ang torneyo dahil nakahanda na ang lahat ng mga venues subalit humahadlang lamang dito ay ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Mayroon na aniyang nakalaan na P200 milyon na budget ang mga atleta para sa SEA Games.