Tiniyak ng National Security Council (NSC) na kailanman hindi isusuko ng Pilipinas ang “sovereign rights” nito sa West Philippine Sea partikular sa Ayungin Shoal.
Ito ang binigyang-diin ni National Security Council Spokesperson Assistant Director General Jonathan Malaya.
Sa isang panayam sinabi ni Malaya, na walang ideya ang pamahalaan hinggil sa claim ng China na nangako ang Pilipinas na alisin o tanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Malaya kahit sino umano ang tanungin sa pamahalaan at maging sa nakaraang administrasyon ay walang makapagsasabi na may kasunduan o pangako ang Pilipinas sa China hinggil sa pag-alis sa BRP Sierra Madre.
Sinabi ng opisyal na kanilang pinagtataka kung saan nanggaling ang pahayag ng Chinese Embassy gayong walang anumang kasulatan o verbal agreement.
Kaya hamon ni Malaya sa Chinese Embassy na maglabas ng ebidensiya ukol dito.
Muling pinagtibay din ng Malakanyang ang posisyon nito at ng National Task Force West Philippine Sea na kailanman hindi abandunahin ang Ayungin Shoal.
Malaki ang papel ng mga sundalo mula sa Philippine Marines at Navy na naka station sa BRP Sierra Madre sa pag protekta sa ating teritoryo.
Inihayag ni Malaya na magpapatuloy pa rin ang resupply mission para sa mga sundalong Pilipino na nasa Ayungin Shoal.
Panawagan ng Pilipinas sa China itigil na ang pagharang sa resupply mission ng Pilipinas.