-- Advertisements --

Naniniwala si Iloilo 1st District Rep. Janette Garin, na ang bansa ay maaaring lumipat sa pagpapatibay ng opsiyonal na patakaran sa pagsuot ng face mask kung hindi bababa sa 70 porsiyento ng populasyon ay nakatanggap na ng booster shot laban sa Covid- 19.

Sa isinagawang virtual press conference kahapon, tinanong ng mga mamamahayag si Garin tungkol sa kanyang pananaw kung kailan maaaring gamitin ng bansa ang optional mask policy gayundin ang pagbabakuna ng Covid-19 booster at bivalent vaccines.

Sinabi ni Garin na kaniya na itong ipinauubaya sa Department of Health (DOH) kung ano ang kanilang magiging desisyon ukol dito, ayaw niyang pangunahan ang DOH.

Batay sa mga datos at numero mula sa DOH, humigit-kumulang 15 milyong Pilipino ang nakatanggap ng hindi bababa sa isang booster shot.

Ang populasyon ng bansa ay humigit-kumulang nasa 110 milyon.

Ipinaliwanag ni Garin na sa apat ang core functions ng bakuna-una ay upang maiwasan ang mga pagkamatay, pangalawa upang mabawasan ang pag-ospital, pangatlo upang mabawasan transmission ng virus, at ikaapat upang mabawasan ang mga mutation ng mga variant ng Covid-19.

Aniya, ang pagsusuot ng mask ay nakakababa ng transmission.