-- Advertisements --
image 186

Nakatakdang maghain ng apela ang Pilipinas sa mismong araw o bago ang Marso 13 kaugnay sa desisyon ng International Criminal Court (ICC) para ipagpatuloy ang imbestigasyon sa napaulat na pagkamatay sa mga operasyon kontra iligal na droga sa bansa.

Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, ang kaniyang opisina ang mismong bumalangkas at maghahain ng apela sa pakikipagkonsulta sa isang foreign counsel na hindi na nito pinangalanan pa.

Kung matatandaan, pinayagan ng ICC ang request ng prosecutor para ipagpatuloy ang imbestigasyon sa sitwasyon sa bansa.

Kasunod ng masinsinang analysis sa mga materyales na ibinigay ng Pilipinas, sinabi ng ICC na hindi ito kontento sa isinasagawang imbestigasyon ng bansa na maggagarantiya sa deferral o pagpapaliban ng imbestigasyon ng korte.

Una na ring sinabi ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi welcome ang hakbang ng ICC na pagsasagawa ng imbestigasyon hangga’t hindi nililinaw ng pre-trial chamber na rerespetuhin nito ang ginagawang imbestigasyon ng bansa kaugnay sa naturang isyu.