DAVAO CITY – Inilahad ni Department of Health Undersecretary Abdullah B. Dumama Jr. na papalapit na ang Pilipinas sa pagiging isa sa may pinakamalusog na populasyon sa buong Asya sa taong 2040.
Sa isang press conference na isinagawa sa Davao City, sinabi ni Dumama na basehan nito ang maayos na pamamahala at pagbabantay ng bansa laban sa banta ng COVID19 dahil sa unti-unting pagbaba ng kaso nito sa buong bansa.
Kinonsidera rin ng ahensya ang naging tugon ng bawat komunidad laban sa mga banta nito maging ng iba pang mga sakit na kumakalat sa Pilipinas.
Gayunpaman, layunin pa rin ng ahensya na maabot ang malusog na populasyon sa buong Timog Silangang Asya sa 2022, maging sa buong Asya pagtungtong ng taong 2040.
Ipinahayag rin ng Undersecretary ang pagprayoridad ng ahensya sa mga programang pang-kalusugan bilang bahagi ng Universal Health Care law.
Naging regional director ng ahensya para sa Davao Region si Dumama bago nailuklok bilang DOH undersecretary.