BUTUAN CITY – Muling tiniyak ni Philippine Coast Guard o PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela na hindi opsyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, na palalain ang tensyon sa West Philippine Sea.
Ito’y sa kabila ng maya’t mayang pangha-harass ng China Coast Guard sa mga barko ng Philippine Coast Guard sa tuwing magsasagawa sila ng resupply mission lalo na sa Ayungin Shoal kungsaan naka-station ang mga sundalo ng Pilipinas na syang nagbabantay sa naturang parte ng karagatan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Commodore Tarriela na ang tanging ginagawa lamang nila sa ngayon ay ang pag-i-expose sa agresibong ginagawa ng China upang malaman hindi lang ng buong Pilipinas pati na ng international community.
Kaugnay nito’y maraming mga bansa na ang nagpahayag ng suporta sa Pilipinas at nagkondena sa ginagawa ng China kung kaya’t maraming mga defense cooperations ang nilagdaan lalo na sa mga bansang binibisita ni Pangulong Marcos.