-- Advertisements --

Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ay manatiling neutral ang Pilipinas hinggil sa nagpapatuloy na sigalot ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ipinahayag ito ng pangulo sa kanyang naging talumpati sa Palo, Leyte at sinabing mas makakabuti para sa bansa na hindi makisali dito sa kadahilanang hindi dapat madamay o makaladkad ang Pilipinas sa naturang sitwasyon ng krisis.

Hangga’t siya ang tumatayong presidente ng Pilipinas ay sinabi rin ni Duterte na tatanggi siya na magpadala ng mga sundalong Pilipino sa bansang sinalanta ng digmaan kahit na maging kahilingan pa ito ng Estados Unidos dahil sa pangamba na ito ay maaaring mag resulta lamang ng spill over na magdudulot ng aktwal na gyera dito sa Pilipinas.

Samantala, sinabi ni naman ni Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na una nang nagpahayag ng pagpayag si Pangulong Duterte na buksan ang pasilidad ng bansa sa American military troops sakaling mapunta sa Asian Region ang naturang digmaan.

Ang Pilipinas ay mayroong Mutual Defense Treaty sa Estados Unidos na nagbibigkis sa dalawang kaalyado nito na tumulong sa isa’t-isa mula sa aggression at tulong sa pagtatanggol sa kabilang partido.