-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Positibo ang Filipino community sa California na magkakaroon ng maayos na hinaharap ang Pilipinas kasunod ng paghikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga investors sa gitna ng pagdalo nito sa UN Assembly.

Maaalala na una nang iginiit ng chief executive ang pagnanais nito na maibangon ang ekonomiya ng bansa, gayundin ang pagiging rice and sugar sufficient.

Ayon kay Bombo International Correspondent Greg Aguilar, maituturing na may ‘favorable image’ ngayon ang bansa kasunod ng mga inilatag na plano ng pangulo lalo na sa World Bank.

Aniya, sa kasalukuyan ay maraming American companies ang umaalis sa China upang mamuhunan sa ibang mga bansa kaya maigi na samantalahin ang sitwasyon at ma-capture ang nasa 10% hanggang 15% ng naturang mga kumpanya na magtungo sa bansa.

Dagdag pa ni Aguilar na libo-libong foreign investors din ang nakatakdang makipag pulong sa mga head of state kaya malaking tulong ang pagpapaganda ng personal relationship ng Pilipinas at Amerika.

Sakaling maging matagumpay ang economic managers ng Marcos Administration sa kanilang layunin ay magiging magandang yugto ito para sa ekonomiya ng bansa.