Iginiit ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Jay Tarriela na may pinanghahawakang na matibay na ebidensya ang Pilipinas hinggil sa ginagawang land reclamation ng China sa Escoda Shoal na bahagi ng West Philippine Sea.
Ito ang binigyang-diin ng naturang opisyal kasunod ng paghuhugas-kamay na pahayag ng China hinggil sa nasabing isyu.
Ayon kay Tarriela, mismong ang mga findings ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal ang kumukumpirma na mayroong ginagawang konstruksyon ng artificial island ang China sa naturang lugar na nagdulot naman ng malalang pinsala sa mga bahura nito.
Hindi aniya maaaring sabihin ng China na pawang disinformation lamang ang mga inilalabas na impormasyon ng PCG sapagkat mayroon aniyang hawak na documentation ang ahensya na nagpapakita ng presensya ng mga barko ng nasabing bansa sa lugar.
Kung maaalala, kamakailan lang ay inuulat ng PCG at Philippine Navy na mayroon itong na-monitor na mahigit 30 Chinese Maritime Militia vessels, tatlong barko ng Chinese Coast Guard, at tatlong People’s Liberation Army Navy warships, at tatlong research vessels sa Escoda shoal.