Nakakaranas ang Pilipinas ng kakulangan hindi lamang sa mga health care worker (HCW), kundi pati na rin sa mga nursing educators, ayon sa isang professional organization leader.
Binigyang-diin ng pangulo ng Philippine Federation of Professional Associations (PFPA) na si Dr. Benito Atienza na ang mga paaralang nag-aalok ng mga kursong nursing ay maaari lamang tumanggap ng limitadong bilang ng mga mag-aaral dahil sa kakulangan sa mga tagapagturo.
Ayon kay Atienza, isa pang kailangang lutasin ng pamahalaan ay ang kakulangan ng mga nursing teachers o professors, na ang ilan ay pumunta na sa ibang bansa.
Ang hindi sapat na bilang ng mga nursing educators ay isa lamang sa mga isyu na dapat resolbahin para masugpo ang HCW shortage sa bansa.
Binanggit niya na maraming Filipino HCW ang nagpasyang umalis ng bansa para magtrabaho sa ibang bansa dahil sa mataas na sweldo na hindi maibigay sa kanila ng mga lokal na ospital.
Ang Estados Unidos at ilang iba pang mga bansa ay lubhang nangangailangan ng mga HCW at tumitingin sa Pilipinas upang punan ang mga kinakailangang manpower.
Binanggit niya na ang K-12 programs ay nagdulot din ng backlog sa henerasyon ng mga nursing graduates sa bansa.
Naobserbahan din niya na may mga pribadong ospital na hindi na kayang mag-accommodate ng mga pasyente dahil sa kakulangan ng manpower, kaya dapat kikilos na ang Department of Health (DOH) kasama ang mga medical professional para pag-usapan at hanapan ng solusyon ang mga problema.