Nanatili ang Pilipinas sa Tier 1, ang top-ranking sa taunang Trafficking in Persons (TIP) list ng State Department ng US.
Ibig sabihin nito, napanatili ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagsunod sa minimum standard para mapatigil ang trafficking.
Batay sa 2024 TIP Report na inilabas ng US, nakasaad dito na nagpakita umano ang Pilipinas ng seryoso at tuloy-tuloy na inisyatiba para labanan ang human trafficking sa loob ng reporting period, kayat nanatili ito sa Tier 1.
Kabilang sa mga effort o inisyatiba na ipinakita ng pamahalaan, batay pa rin sa report, ay ang imbestigasyon at prosekusyon sa mga pinaghihinalaang traffickers, pagbuo sa standard operating procedures ng Inter-Agency Council Against Trafficking, mahigpit na pagpapatupad sa anti-trafficking law, at pagpapakulong sa mga naaarestong traffickers.
Nakapagpakita rin umano ang pamahalaan ng dagdag na mga inisyatiba upang mabago at mapagbuti pa lalo ang kampanya laban sa human trafficking.
Sa kabila nito ay nananatili umanong ‘significant concern’ ang corruption at official complicity o pagkaka-ugnay ng mga public officials sa mga kaso ng human trafficking.
Inihalimbawa ng report ang mga Philippine offshore gaming operations (POGOs). Mayroon umanong alegasyon na may ilang mga opisyal na nasa likod o nauugnay sa online scam operation na nagtatago sa likod ng POGO.
Bilang resulta, pinagsamantalahan umano ang hanggang 730 labor trafficking victims.
Bagaman sinimulan ng pamahalaan na imbestigahan ang kaugnayan o papel ng isang chief of police at 26 na iba pa, hindi din umano nagbigay ang pamahalaan ng Pilipinas ng dagdag pang update partikular na kung may iba pang opisyal na nauugnay dito.