Hindi na ikinagulat pa ng Department of Health (DOH) ang pagliit ng bilang mga linya sa mga vaccination sites ngayong patapos na ang kampanyang bakunahan laban sa COVID-19.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, inaasahan na talaga ang pagbaba ng bilang ng mga nagpapabakuna dahil sa ngayon aniya ay nasa last mile na ang kagawaran sa pagbabakuna. Ibig sabihin nito ay ang ahensya na mismo aniya ang naghahanap ng mga indibidwal na hindi pa nababakunahan.
Karamihan kasi sa mga taong karapat-dapat para na bakunahan ay bakunado na kung kaya’t sa ngayon ay tanging mga indibidwal na may pag-aalinlangan pa rin sa bakuna ang kanilang target na hanapin at bakunahan.
Aminado ang opisyal na ang makabagong istratehiya ngayon ng mga vaccinator ay isang malaking hamon dahil personal na magtutungo ang mga ito sa iba’t-ibang komunidad o workplaces para makapagbakuna sa mga indibidwal na hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.
Sa datos ng kagawaran ay nasa 64.6 milyon na mga indibidwal ang ganap nang nabakunahan laban sa COVID-10, habang binubuo naman ng 71.84% ang target population nito.