-- Advertisements --
DEGYZMAn
IMAGE | Epidemiology Bureau chief Dr. Alethea de Guzman/Screengrab, DOH

MANILA – Ibinaba na ng Department of Health (DOH) sa “low risk” ang klasipikasyon ng Pilipinas sa hawaan ng COVID-19.

Batay kasi sa monitoring ng ahensya, bumaba sa negative 9% ang growth rate ng coronavirus cases sa bansa sa nakalipas na dalawang linggo.

Bumaba rin ang average daily attack rate (ADAR) ng bansa mula June 13 hanggang 26.

“Dahil negative ang ating two-week growth rate at nakikita naman natin ang ating ADAR ay naka-moderate risk na at 5.42, the risk classification nationally is already at low risk,” ani Epidemiology Bureau chief Dr. Alethea de Guzman.

Bukod sa bilang ng mga nahahawaan ng COVID-19, na-obserbahan din ng DOH ang pagbaba sa healthcare at ICU utilization rate ng bansa, na parehong nasa safe zone na (46.51% at 55.24%).

Sa ngayon nasa 5,772 pa ang average daily number of COVID-19 cases sa bansa. Mas mataas mula sa 5,638 sa June 17 hanggang 23.

HIGH RISK AREAS

D1
IMAGE | DOH data/Screengrab, DOH

Sa kabila ng “low risk” na estado ng bansa, apat na rehiyon naman ang nasa “high risk.”

Kabilang dito ang Davao Region, Western Visayas, Soccsksargen at Eastern Visayas

“Ang kanilang health care utilization rate at intensive care utilization rate ay naiiwan at high risk,” paliwanag ni De Guzman.

Ayon sa opisyal, hindi pa rin pwedeng makampante ang publiko kahit may naitala nang pagbaba sa numero ng nahahawaan ng COVID-19 sa bansa.

Dahil sa banta ng mas nakakahawang Delta variant, maaari pa rin daw sumirit ang mga kaso ng coronavirus sa Pilipinas.

“Magkaroon lang tayo ng isang superspreading event, posible na papalo na naman tayo pataas.”

Bukod sa mga rehiyon, nasa high risk din ang klasipikasyon ng Laguna. Ito ang natatanging lugar sa NCR Plus na may ganitong klasipikasyon.

“Generally, the report of Calabarzon was really the less adherence to minimum public health standards and they saw gatherings, may mga nag-pa-party na, may mga nagpapa-social event na… there is a tendency to hold meetings indoors.”

Binigyang diin ni De Guzman na importante pa rin ang sama-samang pagsisikap ng local government units at publiko para masugpo ang pagkalat ng COVID-19.

Tulad ng mahigpit na kontrol sa mga border, pinaigting na testing at isolation, at pagbabakuna.

“Kung ma-me-maintain natin ang ginagawa natin ngayon… tuloy tuloy po at baka mas mabilis pa na pagbaba ng kaso ang makita natin,”