Napatunayan ng United Nations (UN) women’s rights committee na nilabag ng Pilipinas ang karapatan ng mga biktima ng sexual slavery mula sa kamay ng Imperial Japanese Army noong World War II dahil nabigo itong magbigay ng reparation, social support at pagkilala sa kalupitang dinanas ng mga ito.
Base sa naging desisyon ng Committee on the Elimination of Discrimination against Women (CEDAW), makailang ulit ng nananawagan ang 24 na kababaihang Pilipino mula sa non-profit organization na Malaya Lolas sa gobyerno ng Pilipinas para sa suporta sa kanilang claims laban sa Japan para sa reparation kabilang ang compensation at official apology sa kanilang dinanas na sexual slavery mula sa kamay ng mga Hapon noong World War II subalit nabigo ang Pilipinas na ipaglaban ang karapatan ng mga survivor na nagresulta sa nagpapatuloy na diskriminasyon laban sa kanila hanggang sa kasalukuyan.
Itinatag ang naturang grupo para mabigyan ng suporta ang mga survivor o biktima o mas kilala sa tawag bilang comfort women noong WWII.
Nabatid na ang mga biktima ay pwersahang dinala, ikinulong sa hindi makataong kalagayan at nakaranas ng sekswal na panga-abuso sa Bahay na Pula (red House) , ang himpilan ng mga Hapon sa San Ildefonso sa lalawigan ng Pampanga noong taong 1944.
Iginiit ng mga biktima na ang kanilang apela ay paulit-ulit na ibinasura ng mga awtoridad kung saan ang pinakahuli ay ang pagbasura ng Korte Suprema noong 2014.
Nanindigan din ang pamahalan na wala ito sa posisyon para mag-claim ng compensation mula sa Japan matapos ang pag-ratipika ng Treaty of Peace noong 1956.