Nanindigan si US Indo-Pacific Command Commander Admiral Samuel Paparo na ang deployment ng mga Typhon mid-range capability (MRC) missile system sa Pilipinas ay para sa mga serye ng military exercises sa pagitan ng US at Philippine Military.
Ang mga naturang missile system ay unang idineploy sa Luzon noong Abril sa layuning magamit ito para sa mga serye ng joint exercises.
Naging kontrobersyal din ang deployment ng mga ito matapos manawagan ang Russia at China sa US at Pilipinas na tanggalin na o ibalik na ang mga naturang missile.
Ayon kay Paparo, ang mid-range missile ay mahalaga para sa isinasagawang military exercises sa pagitan ng Pilipinas at US; bahagi aniya ito ng pagnanais ng dalawang militar na mapataas pa ang kapabilidad sa iba’t-ibang aspeto ng military training tulad ng paggamit sa mga Typhoon missile.
Maalalang sinabi noon ng Philippine Army na posibleng tanggalin at ibalik na sa US ang mga naturang missile system pagsapit ng Setyembre o sa pagtatapos ng Salaknib Exercises.
Gayunpaman, hindi naman direktang sinabi ni Paparo kung tatanggalin na nga ang mga missile bagkus, patuloy aniyang pag-aaralan ng US at Philippine military ang pangangailangan at kung ano pa ang maitutulong ng mga missile system sa mga training.
Ayon naman kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., ang pagpayag sa deployment ng mga missile system sa Pilipinas ay dahil na rin sa pagnanais ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na maisa-moderno ang mga kagamitan nito.
Bahagi aniya nito ay ang pagsasagawa ng taining gamit ang pinakahuli at pinakamodernong weapon system.
Ayon pa kay Brawner, nais din ng AFP na makakuha ng mas modernong mga missile at iba pang weapon system, kabilang na dito ang kontrobersyal na Typhon mid-range capability (MRC) missile system.
Ang ginagawang training gamit ang mid-range missile aniya ay bahagi lamang ng paghahanda para rito.
Katulad kay Paparo, tumanggi rin si Brawner na sagutin kung tuluyan nang tatanggalin o ibabalik ang mga naturang missile system.