-- Advertisements --

Ipinagmalaki ni Speaker Martin Romualdez na perpektong destinasyon ng dayuhang pamumuhunan ang Pilipinas dahil sa malakas na ekonomiya nito at mga repormang ipinatutupad para mas maging bukas ang ekonomiya kasabay ng magandang pagsasama ng mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Sinabi ni Speaker Romualdez na bagamat magkakaiba ang kultura, wika, at pamamaraan ng mga miyembrong bansa ng ASEAN, nag-uugnayan ang mga ito upang matugunan ang mga hamon na kapwa nila kinakaharap.

Inaasahan na mananatili ang ASEAN bilang rehiyon na may pinakamabilis na pag-unlad ang ekonomiya sa mundo at magsisilbing malaking bahagi ng pag-angat ng Asia-Pacific sa susunod na dekada.

Nauna rito, sinabi ni Romualdez sa lider ng iba’t ibang international business groups sa isang breakfast roundtable discussion ang mga hakbang na gagawin ng Pilipinas upang alisin ang limitasyong sa dayuhang pamumuhunan na nakasaad sa Konstitusyon.

Inanunsyo rin ni Speaker Romualdez ang paglulungsad ng kauna-unahang sovereign wealth fund ng bansa—ang Maharlika Investment Fund (MIF).

Gagamitin ang MIF upang agad na magawa ang mga proyekto at programang kinakailangan ng bansa na magpapalakas sa ekonomiya, lilikha ng mapapasukang trabaho at magpapahupa ng kahirapan sa bansa.

Ang pondo ay estratehikong ilalagay sa mga sektor na magtutulak ng multi-generational growth, partikular sa sektor ng enerhiya, food security, physical connectivity, teknolohiya, at napapanatiling paggamit ng pambansang yaman.

Sinabi ni Maharlika Investment Corporation CEO Rafael Consing, Jr. na ginawa ang MIF na maging pangmatagalan at epektibo.

Dagdag pa nito, ang pamamahala sa MIF ay nakaayon sa pinakamahusay na kasanayan sa mundo kung saan tinitiyak na ito ay transparent, may pananagitan at sumusunod sa pinakamataas na pamantayan.