Walang dapat na ikabahala ang Pilipinas hinggil sa panibagong Coast Guard rules na ipinatupad umano ng China sa West Philippine Sea, at maging iba pang teritoryong pilit na inaangkin nito.
Ito ang inihayag ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maituturing na “escalation” at nakakabahala ang mga bagong panuntunan na ipinatutupad ng China sa naturang pinag-aagawang karagatan.
Ayon sa naturang Chinese official, ang mga Coast Guard rules na kanilang ipinatutupad ay layuning gawing standardize ang law enforcement at pagtataguyod ng kanilang maritime order, dahilan kung bakit wala aniyang dahilan para sa sinumang mga indibidwal ang mangamba ukol dito hangga’t wala umanong ginagawang iligal na aktibidad ang mga ito.
Kung maaalala, epektibo mula Hunyo 15, 2024 ay ipapatupad nito ang kanilang 2021 Coast Guard law at panibagong coast guard rules na nagpapahintulot sa kanilang mga tauhan na manghuli ng mga indibidwal na nagsasagawa umano ng trespassing sa kanilang inaangking teritoryo.
Una nang sinabi ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Jay Tarriela na hindi siya naniniwala sa mga panibagong batas na ito ng China at ito ay pawang mga naratibo lamang sapagkat maaari itong makasagasa sa mga Maritime sovereignty hindi lamang ng Pilipinas kundi maging iba pang mga bansa.
Habang batay naman sa monitoring ng Philippine Navy ay inihayag ng tagapagsalita nito sa mga usaping may kaugnayan sa West Philippine Sea na si Commo. Roy Vincent Trinidad na sa ngayon ay wala pa silang nakikitang anumang indikasyon na magpapatupad ng bagong Coast Guard rules ng China sa exclusive economic zone ng ating bansa.