Pinabulaan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang mga paratang na ang kasosyo nilang State Grid Corporation of China (SGCC) ay may kabuuang kontrol sa mga operasyon nito.
Ito ang inihayag ng liderato ng NGCP sa isinagawang pagdinig sa Senado sa ilalim ng Komite sa Enerhiya.
Kinuwestion kasi ng Kumite sa Enerhiya, na pinamumunuan ni Senador Raffy Tulfo, kung nababraso ba ng mga Tsinong kasosyo, na nag mamay-ari ng 40% ng NGCP, ay nakakaantala sa operasyon ng NGCP base sa kanilang posisyon sa board.
Paglilinaw naman ni Atty. Cynthia Alabanza, pinuno ng Corporate Communications ng NGCP, na apat lamang ang mga Chinese sa kanilang lupon na may sampung miyembro.
Inihayag din ni Alabanza na ang iba pang miyembro ng lupon at lahat ng iba pang staff ng buong kumpanya ay Filipino.
Nagpahayag naman ng pagkabahala sina Senador Tulfo at Senador Sherwin Gatchalian dahil sa nakita nilang isang probisyon sa mga patakaran ng NGCP na maaaring hindi matuloy ang pagtitipun-tipon ng lupon kung wala ang mga Chinese partner.
Paliwanag naman ng NGCP sa Komite na ang nasabing polisiya ay isa lamang kortesiya sa mga kasosyong banyaga at maaari lamang magamit ng dalawang beses.
Inihayag naman ni Alabanza na walang basehan ang mga pagdududa ng mga Senador na mababraso ng mga Chinese boardmember ang mga Filipinong mayoriya ng board.
“Ang pinakamasamang magagawa lang nila, kung sila man ay mambabraso, ay ipagpaliban ang pagtipon ng board, at hindi nila ito maabuso. Ang mga apurahan at importanteng desisyon maaaring tugunan ng presidente at CEO ng kumpanya na isang Filipino. At kung kinakailangan, puwedeng pagtibayin ng board ang desisyon ng presidente at CEO,” pahayag ni Atty. Alabanza.
Nilinaw din ng NGCP na ang 40% na pag-aari ng SGCC ay naaayon sa batas at kinakailangan dahil walang lokal na bidder na kayang punan ang mga technical requirement upang makamit ng NGCP ang mga layunin nito.
Kung maalala ang NGCP ang pumalit sa National Transmission Corporation (TransCo) noong minandato ng gobyerno na i-privatize ang grid operations sa bansa.
Ang SGCC ay lumahok at nanalo sa open bidding na naganap para maging foreign technical partner na pasado sa mga pamantayan ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
“Ang aming mga foreign technical expert ay naging kasosyo ng NGCP at alinsunod sa mga batas ng bansa. Sila ay nagbibigay lamang ng technical assistance at paggabay. Hindi sila mga ‘executive’ o ‘managing officer’ ng NGCP,” paliwanag ni Alabanza.
Kinuwestiyon din ni Senador Tulfo ang NGCP sa kanilang “underspending” o hindi paglaan ng tamang budget para sa mga pagbubuti ng serbisyo.
Kinontra naman ng NGCP ang pahayag ni Sen. Tulfo at sinabing nasa mahigit PhP 300 bilyon na ang nagagastos ng NGCP sa imprastrakturang pang transmisyon mula noong 2009 at mas malaki rin ang kanilang nailabas kumpara sa mga investment ng gobyerno.
“Mananatili kaming mapagtugon sa mga hamon ng industriya ng enerhiya. Pagdating sa ating imprastrakturang pangtransmisyon, kami po ay nangangakong makikipagtulungan upang makahanap at makagawa ng mga solusyon,” pahayag ni Alabanza.