Natagpuan sa karagatan ng Batanes nitong Huwebes ang Pilipinong mangingisda na mahigit isang buwan ng nawawala ayon sa Philippine Coast Guard.
Sa isang statement, sinabi ng PCG na napaulat na nawawala mula pa noong Agosto 4 ang mangingisdang si Robin Dejillo, 49 anyos, mula sa Infanta, Quezon.
Nakatanggap naman ang Coast Guard Station Batanes ng impormasyon mula sa kanilang patrol team na may namataan silang isang puting motorbanca na may lulang isang lalaki.
Ayon sa PCG, ikwinento ng mangingisda na nabigo siyang makabalik sa kanilang mother boat matapos na mawalan ng gas ang kaniyang bangka habang nangingisda.
Nakayanan niyang maka-survive ng 46 na araw sa dagat sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig ulan at pagkain ng isda gayundin ang mga niyog na lumulutang sa katubigan.
Dinala naman na ng PCG personnel ang nasagip na mangingisda sa Batanes General Hospital para sa medical treatment.