Inanunsyo ng Department of Agriculture na sisimulan na ang pagpapatupad at pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas sa Visayas region sa susunod na linggo.
Ginawa nito ang anunsyo kasunod ng closed-door meeting ngayong araw, Abril 23, kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at 12 Visayas Governors sa Kapitolyo.
Bahagi pa ng pagpupulong na pag-usapan ang paunang pagpapatupad ng katuparan ng pangako ni Marcos sa halalan na ibaba ang presyo ng bigas sa P20 piso kada kilo.
Inihayag ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr nakikipagtulungan ang pambansang pamahalaang sa pamamagitan ng DA sa mga local government units para maipatupad ang programa.
Ayon kay Laurel, dalawang template ang kanilang tinitingnan kung saan ang una ay 5 kilo kada linggo bawat pamilya at ang pangalawa ay 10 kilo kada linggo.
Sinabi pa nito na ang programa ng kagawaran ay tatagal lang hanggang Disyembre ngunit nagbigay pa ng direktiba na magbalangkas para maging sustainable ito at tuloy-tuloy hanggang sa taong 2028.
Dagdag pa ng kalihim na mas kailangan umano ang programa ng mga tao sa rehiyon at para mailabas na rin umano ang mga stocks dito.
Isa pang factor na kailangan umano nilang gawin ito ay punong-puno pa rin ang kanilang warehouse ng bigas at palay na nasa 358,000 tonnes.
Umaasa naman ang opisyal na maging matagumpay ang programa at lumahok ang mga local na pamahalaan para makinabang ang mga mamamayan sa mas murang bigas.