BAGUIO CITY – Nagsimula na sa lungsod ng Baguio ang isang linggong pilot test sa paggamit ng do-it-yourself o COVID-19 at-home antigen self-test kits.
Isinulong ito ni Contact Tracing Czar at Baguio Mayor Benjamin Magalong para mapalakas pa ang detection and management ng mga kaso ng COVID-19 kasunod ng pagtaas ng mga kaso ng nasabing sakit dito sa Baguio at sa banta ng Omicron variant.
Ayon sa kanya, isinasagawa ang nasabing pilot test sa mga barangay ng Alfonso Tabora, Pinsao at Quirino Hill.
Sa latest report na natanggap ng alkalse, mula sa 60 na indibidual na nag-avail ng self-test kits ay 20 sa mga ito ang nagpositibo sa COVID-19 na katumbas ng 30% positivity rate.
Aniya, pagkatapos ng pilot test ay magsasagawa ang LGU ng evaluation at assessment bago ang citywide na paggamit ng antigen self-test kits.
Una ng sinabi ni Mayor Magalong na nakuha na niya ang approval ng National Task Force for COVID-19 para sa pagsasagawa ng lungsod ng pilot test sa paggamit ng self-administered COVID-19 home test kits, kung saan, ang Baguio aniya ang pioneer sa paggamit ng nasabing COVID test kit.
Batay sa alituntunin, ang mga indibidual lamang na nakakaranas ng sintomas ng COVID-19 ang pwedeng gumamit ng antigen self-test kit na malawakang ginagamit ngayon sa Amerika, Canada, Europe at Singapore.
Kahapon, January 13 ay naitala ng Baguio ang 516 na kaso ng COVID-19 kung saan ito ang bagong pinakamataas na naitalang kaso ng nasabing sakit sa loob lamang ng isang araw sa lungsod.
Nalampasan ng nasabing bilang ang dating record ng lungsod na 411 na kaso ng COVID-19 sa loob ng isang araw na naitala noong September 18, 2021 kasabay ng wave ng Delta variant.
Gayunman, ipinasigurado ng mga opisyal ng Baguio na handa na ang contingency plan ng lungsod na ipapatupad kung sakaling mas lalong tataas pa ang kaso ng COVID-19.