CENTRAL MINDANAO – Sugatan ang isang piloto matapos bumagsak ang isang spray plane sa Sultan Kudarat.
Nakilala ang biktima na si Captain Videl Ariston Arquiza, 28-anyos na binata, piloto ng Davao South Pacific Aerial Spraying Services at taga-Barangay Sasa.
Ayon kay Lambayong Chief of Police, Captain Herman Luna, habang nag-spray ang eroplano sa Delinanas Banana Plantation sa hangganan ng Datu Abdullah Sangki, Maguindanao at sa bayan ng Lambayong, Sultan Kudarat, ay bigla lamang nagkaaberya ang makina nito.
Nakita ng mga sibilyan na pagewang-gewang sa himpapawid ang spray plane hanggang sa tuluyang bumulusok sa bakanteng lote sa Purok Kayupon, Barangay Zeneben sa nasabing bayan sa Sultan Kudarat.
Pero bago bumagsak ang eroplano, nakatalon si Arquiza kaya galos at kaunting sugat lamang ang natamo nito.
Mismong ang piloto ang nagtungo sa tanggapan ng Delinanas Development Company at pinaalam nito na bumagsak ang spray plane.
Kung maaalala, noong nakalipas na buwan lamang ay isang spray plane rin ang bumagsak sa parehong Lambayong.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines sa naturang plane crash.