Negatibo sa anumang bakas ng alak o alkohol ang katawan ang piloto ng helicopter na sinakyan ni Kobe Bryant, anak na si Gigi at pitong iba pa na bumagsak sa bahagi ng Calabasas, California noong Enero 26 na kanilang ikinamatay.
Isinapubliko na ng The L.A. County Coroner ang autopsy report ng mga biktima at napatunayang walang anumang droga o alak sa sistema ng piloto na si Ara Zobayan nang paliparin nito ang chopper.
“Toxicological testing did not detect the presence of alcohol or drugs of abuse. Substances tested for include: benzodiazepines, cocaine, fentanyl, heroin, marijuana, opioids, phencyclidine, and amphetamines,” saad sa statement ng L.A. County.
Sinampahan na ng kaso ng biyuda ni Kobe na si Vanessa Bryant ang namatay na piloto at ang nag-charter sa helicopter na Island Express.
Batay sa imbestigasyon, masyadong mababa umano ang lipad ng chopper kasabay ng makapal na fog kaya nangyari ang malagim na aksidente.