-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Suwerteng nakaligtas bagama’t nagtamo ng sugat ang isang piloto ng bumagsak na spray plane sa Sultan Kudarat.

Nakilala ang biktima na si Captain Edcel Juban Luciano, piloto ng Agcat Aircraft na pagmamay-ari ng Air Works Corporation sa Davao City.

Ayon kay Police Captain Herman Luna, officer-in-charge Chief of Police ng Lambayong Sultan Kudarat, kaka-takeoff lang ng spray plane sa Barangay Sigayan sa nasabing bayan para mag-spray sa Delinanas Banana Plantation and Development Corporation sa Datu Abdullah Sangki, Maguindanao.

Bigla umanong pumalya ang makina at bumulusok sa damuhan ang eroplano.

Mabilis namang ni-rescue ng mga sibilyan si Captain Luciano at dinala sa Evangelista Medical Clinic and Hospital sa Lambayong ngunit inilipat din sa Davao Doctors Hospital sa Davao City.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines sa pangyayari.