CAGAYAN DE ORO CITY – Nananalaytay na sa dugo sa mag-asawang si late former Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr at Lourdes ‘Bing’ Pimentel ang pagiging malapit ang relasyon sa Maykapal kahit sila ay nasa kanilang kabataan pa.
Sa kwento, noong kanya pang kabataan ay nais na raw ni Pimentel na pumasok ng pagka-pari noon habang mag-madre naman ang kanyang maybahay noong sila ay nasa pag-aaral pa ng kani-kanilang kurso sa kolehiyo sa Ateneo de Cagayan na ngayon ay Xavier University na sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Gng. Pimentel na dahil umusbong na ng husto ang kanilang relasyon habang mayroong religious calling ay nagdesisyon sila na sabay sasabak sa retreat.
Ito ay para maliwanagan sila sa kanilang gagawing desisyon kung dapat ba na ipagpatuloy pa ang relasyon o kapwa magsisilbi sa Panginoon.
Dagdag nito na matapos ang kanilang retreat ay tila walang sinyales na nagbabago ang mga naramdaman nila kaya agad na sila nagpapakasal.
Subalit nasang-ayunan ng mag-asawa na kung mayroon man sa kanilang anim na anak na gustong magpari o kaya’y mag-madre ay pahihintulutan nila ito.
Ang paglalahad na ito ng Gng. Pimentel ng kanilang kuwento sa pag-ibig ay matapos itong dumating sa lungsod habang nakahimlay ang labi ng kanyang asawa sa tourism hall ng city hall sa lungsod simula kagabi.
Una nang dinagsa ng mga kaanak, kaalyado sa politika at mga residente sa lungsod at lalawigan ang unang gabi na lamay sa yumanong dating pinuno ng Senado ng Pilipinas.