Nagbabala si Senate Minority Leader Koko Pimentel laban sa holiday-themed scams, kung saan hinimok ng senador ang publiko na manatiling mapagbantay laban sa mga fraudulent schemes na laganap ngayong uso ang bigayan ng mga regalo at online shopping.
Binigyang-diin ng minority leader ang kahalagahan ng pagsunod sa payo ng National Telecommunications Commission (NTC) partikular ang pag-iwas sa pag-click ng mga link na naka-embed sa mga kahina-hinalang text message.
Maaaring makompromiso aniya ng mga scam na ito ang personal na impormasyon at financial security.
“Huwag po tayong magpapadala sa mga mensaheng hindi natin kilala ang pinagmulan,” babala ni Pimentel.
“Bago kayo mag-click, siguraduhin ninyong lehitimo ang pinagmulan ng mensahe,” dagdag ng senador.
Muling iginiit ni Pimentel ang panawagan ng NTC sa publiko na iulat ang anumang mga kahina-hinalang text message at online scam sa pamamagitan ng kanilang website o pakikipag-ugnayan sa NTC Hotline 1682.
Hinimok din ng senador ang lahat na gumawa ng mga aktibong hakbang upang maprotektahan ang kanilang sarili at ang kanilang mga pamilya mula sa mga mapanlinlang na aktibidad na ito.