Nakabalangkas na si Senate Minority Leader Koko Pimentel ng rules para sa proseso ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Bagamat wala pang pormal na subcommittee para sa pagbuo ng rules, ayon kay Pimentel, isusumite niya ang kopya ng nabalangkas niyang rules kay Senate President Francis Chiz Escudero at Senate Majority Leader Francis Tolentino.
Aniya, kahit sino kina Escudero o Tolentino ay maaring bumuo ng subcommittee rules.
Sa ngayon ay walang pang eksaktong petsa kung kailan nito balak isumite ang kopya dahil pinag-iisipin din ng minority leader kung kailangan niyang i-reformat ang rules.
Kung maaalala, hinimok ni Tolentino si Pimentel na simulan na ang pagbalangkas ng impeachment rules kung nais nitong masimulan na agad ang paglilitis kay VP Sara.
Bilang tugon sinabi ni Pimentel na dapat trabaho muna unahin nila bago ang pangangampanya.
Muling iginiit ni Escudero na lahat ng binabalangkas nila tulad ng rules of impeachment, calendar, at iba pa ay pawang panukala na dadaan pa sa pag-apruba sa plenaryo o pag apruba ng impeachment court.Â