Kinalampag ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang Department of Trade and Industry (DTI) na tiyaking walang mang-aabuso sa panahon ng Pasko, lalo na sa pagtataas ng presyo ng mga paninda para sa Noche Buena.
Ayon kay Pimentel, hindi dapat pagsamantalahan ng mga negosyante ang pagdiriwang ng Pasko para magtaas ng presyo sa mga produkto gaya ng keso, macaroni, spaghetti sauce, fruit cocktail, all-purpose cream, hamon, at iba pang pang-Noche Buena.
Paliwanag ng minority leader, ang Pasko ay panahon ng pagmamahal at pagbabahagi. Dapat matiyak na hindi ito magiging panahon ng pang-aabuso at pagsasamantala.
Aniya, Mahalaga na mapanatili ang patas na presyo ng mga pangunahing bilihin para sa lahat ng Pilipino, lalo na ang mga mahihirap.
Dapat mahigpit din aniya ang monitoring na ginagawa ng DTI para aksyunan ang mga kumpanyang sangkot sa price manipulation.
Dagdag ng senador, hindi dapat makalusot ang mga tindahang nagtatago ng stocks o naniningil ng sobra para lamang kumita nang higit sa panahon ng Kapaskuhan.
Pinaalalahanan din ng senador ang mga tindero na sundin ang suggested retail price na itinakda ng Department of Trade and Industry at mga batas sa proteksyon ng consumer.
Sa kabila nito hinikayat ni Pimentel ang publiko na huwag mag-atubiling isumbong sa otoridad ang mga kumpanya o negosyanteng nagtataas ng presyo ng Noche Buena products.
“Maging alerto at iulat sa DTI ang anumang pang-aabuso sa presyo,” aniya. “Tayo ay may karapatan sa isang patas at makatarungang presyo ng mga pangunahing bilihin,” ani Pimentel.